Alfred Vargas, pinasalamatan ang mga kapwa-celeb na tumutulong sa kaniyang distrito

Inihayag ng actor-turned-politician na si Quezon City Representative Alfred Vargas (5th District), ang pasasalamat sa mga kapwa niya artista na nagbigay ng donasyon para matulungan ang kaniyang mga kababayan ngayong umiiral ang community quarantine.

Sa video na ipinost ni Alfred sa Instagram, inihayag niya na papaubos na ang personal resources nila ng kapatid niyang konsehan na si PM Vargas, na ginagamit nilang pangtulong sa kababayan nilang nangangailangan.

"Napakasuwerte po ng ating distrito kasi marami po ang good Samaritans ang tuloy-tuloy ang donasyon. Tuluy-tuloy ang pagtulong at pagsuporta para matulungan, lalo na po yung mga mahihirap nating mga kababayan," saad niya.

Kabilang umano sa mga nagkaloob ng donasyon ang mga katrabaho niya sa showbiz na isa-isa niyang pinangalanan.

"At sa pagkakataong ito, gusto ko pong magpasalamat sa mga kaibigan ko na mula sa larangan ng show business na hiningan po natin ng tulong. At agaran po silang nagpakita ng taos-pusong suporta at tumutulong po sila sa ating distrito," ayon sa aktor.

Kabilang sa mga celebrity na binanggit ay ang mga Kapuso star na sina Dingdong Dantes, Ai-Ai delas Alas, magkasintahang Rocco Nacino at Melissa Gohing,  Diana Zubiri, Glaiza de Castro, Solenn Heussaff, Patricia Tumulak, Carmina Villarroel at mag-asawang Rodjun Cruz-Dianne Medina.
Binanggit din ni Alfred ang celebrity couple na sina Precious Lara Quigaman-Marco Alcaraz, Dimples Romana, Shaina Magdayao, Carlene Aguilar, Direk Mark Reyes, Direk Mac Alejandre, Edlyn Tallada at RJ Nuevas.

"Ang tulong ninyo ay malayong-malayo po ang mararating. At dahil sa inyo, maipagpapatuloy natin ang ating house-to-house feeding program araw-araw dito sa 5th District of Quezon City," ayon kay Alfred.

Hinikayat din ni Alfred ang kaniyang mga kababayan na nangangailangan ng tulong na magpadala ng mensahe sa kaniya.

"Mga kaibigan, naniniwala po ako na itong pagsubok na ito ay kayang-kaya nating lampasan, at tatalunin natin itong virus na ito," pahayag pa niya.--FRJ, GMA News'

By GMA News Online
Share this article :

Post a Comment

 
Support : Creating Website | Johny Template | Mas Template
Copyright © 2011. Talk Pinoy - All Rights Reserved
Template Created by Creating Website Published by Mas Template
Proudly powered by Blogger